Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER CHRISTI (Ina ni Kristo)


Nuestra Señora delas Islas Filipinas
G. Ramon Panganiban
Mater Christi
Si Maria'y INA,... si KRISTO ang Anak,
MAG-INANG kay palad,... kaiba sa lahat;
KRISTO ang sumilang sa sang-maliwanag,
May pahid na langis na sa Langit buhat;
KRISTO: Guro, Hari... Pari Siyang ganap,
Na sa mundong ito'y manaog at sukat;
Kaya MATER CHRISTI ang Kanyang pamagat,
INA KA NI KRISTO... O Birheng marilag!

---o0o---
Ang taong may diwa at pusong nilalang,
Madalas sa dilim bulag na mabuwal;
Puso'y nalalason sa hunghang na asal
At nasubasob sa mali ring aral;
Kaya itong Kristong karunungang – lantay,
Sumilang na Gurong sa mundo'y patnubay;
Ibinabandila ay katotohanan
At ang hinihawi'y dilang kamalian.

---o0o---

Siya ang nagturo nang daan sa Langit
na puno ng dusa at mga panganib;
ang IGLESYANG TUNAY kanyang itinitindig,
upang magpatuloy ang misyong marikit;
ang PAPA'y ginawang “infalibeng” tikis,
nang hindi mamaling Guro ng daigdig;
si Kristo ang tanglaw sa puso at isip,
ang Anak ng Birheng Inang matangkilik.

---o0o---

Si KRISTO AY HARING... walang kamatayan,
na sa puso't diwa nakikiluyaw;
at krus ang Kanyang tronong ginintuan;
ang setro ay pakong tumagos sa laman,
pagka't Siya'y Haring dala'y katubusan;
Hari ng pag-ibig sa Sangkatauhan,
kaharian Niya'y grasya't kabanalan.

---o0o---

Ang utos ng Hari'y tuparin ang lahat,
na sa pangangaral ay Kanyang inyatas;
halimbawa Niya'y bakasing maingat;
sapagkat sa buhay Siya'y ating landas;

---o0o---

Maamo ang loob, mababang-di-hamak
ang PUSO NI KRISTONG Hari ng pagliyag;
Kaya itong Ina'y Reyna namang wagas
na sa Kristong Hari nagmana nang lahat.

---o0o---

Si KRISTO ay PARI sa Langit at Lupa,
tungkuli'y maghandog sa Amang Bathala;
Sa krus iniyalay... dugo, laman,... diwa,
sa ikatutubos ng taong timawa;
sa Misa ninais... ito'y manariwa,
kaya araw-araw Misa'y ginagawa;
ang ibig sabihin ng KRISTONG salita,
Siya'y Guro, Hari at Paring dakila.

---o0o---

Ang Ina ni Kristo'y natalamsikan din
nang giting at bisa ng Kanyang tungkulin;
pagka't Siya'y INANG sa tao'y magiliw,
nagsa-guro Siyang turo'y walang maliw;
ang linis ng puso na walang kahambing
ay aral na parang talang nagniningning;
ang bait at sipag, kilos, asal, hinhin,
kabanalang wagas na dapat kopyahin.

---o0o---

Si Maria'y Reyna ng anghel sa langit,
ng Santo at Santa,... ng buong daigdig;
naghahari Siya sa grasyang matamis
na sa bawat anak ay inilalawit;
makapangyarihan Siyang taga-sungkit
NANG AWA NG DIYOS na dapat makamit;
bilang Reyna natin ang bilin at nais:
putulin ang salang sa Bunso'y mapait!

---o0o---

Sa mundong madilim at ubod nang saklap,
ang Mag-Inang Kristo'y pag-asa at lunas;
ang taong sa yabang at muhi'y nasadlak,
dapat manunumbalik kay Kristong Mesiyas;
si KRISTO'T ANG BIRHEN,... kilalani'y dapat,
na Guro at Pari... at Hari ng lahat;
sa kanyang pagsunod sa BIRHENG busilak,
itong sawing mundo lamang maliligtas.

No comments:

Post a Comment