Pages

Monday, October 28, 2013

LITANYA NG MAHAL NA BIRHEN: MATER INVIOLATA (Inang di Malapitan ng Masama)

Inmaculado Corazon sue Maria
G. Pedro Pablo G. Carson
Mater Inviolata
INA, MATER, O kay tamis na Pamagat,
walang dungis na Ina kong sakdal dilag!
INVIOLATA, di-nagmamaliwa, di-nawasak
ang yaman ng kalinisang ingat-ingat;
pagka-birhe'y di man lamang nagka-lamat,
kahit kanyang isinilang ang Diyos-Anak;
Ikaw yaring Tala na ang bawat sinag,
dapat aninuhin sa sang-maliwanag!

---o0o---

Nang mapansing... Birhe'y nagdadalang-tao,
nais na tumakas si Joseng esposo;
Isang anghel ang nagbunyag nang misteryo,
lumilim kay Maria'y Espiritu Santo”;
kaya Inviolata ang Ina ni Kristo,
na hindi nagalaw ng sama ng tao;
kaya nga't sa kanya dapat manganino
ang lahat ng ina sa balat ng mundo.

---o0o---

Mayroong gawaing anay na mistula
na sa pagka-ina'y lubhang sumisira;
yao'y kalabagan sa Poong Bathala;
birth control, pagtunaw, at pangangalunya;
ito'y mga krimen na ubod ng sama,
na parurusahang walang pagka-awa;
INANG HINDI MALAPITAN NG MASAMA,
ipanalangin Mo ang mga kawawa!

---o0o---

Ang taong sumumpa sa Buklod ng Kasal
ay maging matapat sa kabyak ng buhay;
ang pakikialam sa ibang kandungan
ay pangangalunyang bawal ng Maykapa;
kalapastanganan sa bitling na banal
ni Kristo sa Kanyang mahal na Simbahan;
ang pagsulyap anding marumi't mahalay
sa hindi asawa ay kasuklam-suklam.

---o0o---

Ang Birth Control nama'y pagpigil sa bunga,
nakaririmarim na pagkakasala;
pagkat sa birth control sa gamot ma't iba,
bigo ang hangarin ng pagaasawa;
ito'y kaimbihan niyong mag-asawa,
pagyurak na pangit sa banal na pita;
yao'y pagsalansang sa Batas ng Ama,
abuso sa anak at sa kanyang ina.”

---o0o---

Ang kasumpa-sumpa at kagulat-gulat,
sa tiyan ng ina... ay kitlin ang anak;
pag-tunaw sa binhing sa tiyan nalagak
ay krimeng sa sama ay kasindak-sindak;
batang walang malay... tutunawing anak,
kaya nga't kriminal silang mga tunggak;
yaon ay pagpatay nating matatawa
ng ina sa kanyang sarili ring anak.

---o0o---

Dito nag-uugat ang sama ng mundo,
sa salang panira sa 'ting Matrimonio;
ang nagpapahina sa angkan ng tao,
nagpaparupok din sa tatag sa mundo;
kaya, mga ina, manga-takot kayo
sa tuklaw ng ahas ng krimen pong ito;
birth control, pagtunaw, pakiki-agulo,
kamandag sa buhay na iwasan ninyo.

---o0o---

Ang lumbay ng ina ay magiging tuwa,
oras na isilang ang anak na mutya;
sa hirap at dusang akibat ng luha,
langit ang kapalit... galak na sang-yuta;
kaya magtitiis kayo sa dalita
at huwag sinisayin ang Poong Bathala;
hindi natutulog ang Ina ng awa,
sa tiisin ninyo Siya'y magpapala!

No comments:

Post a Comment